Maraming salamat, salamat Rico Yan,
Sinagkaan, pinatigil ang takbo ng orasan.
Araw-araw nang ikaw ay yumao
Busog na busog kami, sa telebisyo't dyaryo.
Nalimutan namin sa Baseco ang malaking sunog
Nawalan ng mga tahanan taga-Tundong nagdarahop.
Wala kaming pakialam sa kaso ng pangulong Erap
Kahit ang pagtugis sa bandidong Abu Sayyaf
Kahit ang mga namatay na manggagawa sa Dubai
Lahat silang nasawi'y parang kanging nagdaan.
Maraming salamat, salamat sa iyo, Rico,
Di namin napansin, pagpanaw ni maestro Lucio at Levi Celerio
Limot namin na tataas, presyo ng gasolina
At kahit ang kuryente'y wala kamig pangamba.
Naghihiyawan kami sa bangkay mong dumaraan,
Dala-dalang pagdurusa'y aming nalimutan
Ang ibang lider at pulitiko pag namamatay
Maraming nagsasamantalang "kunwaring pakikiramay"
Dahil sa pagpanaw, gamot itong nakalunas
Sa sinasabi nila na pambansang sugat
Sana kung may yayao na tulad ni Rico Yan,
Ay tatabing sa aming problema araw-araw.
Maraming salamat, salamat sa iyo, Rico,
Di namin naramdaman ang pag-inog ng mundo.